DAGUPAN CITY- Magkakaroon lamang ng krisis ang pagkakaroon ng deadline sa consolidation ng mga prangkisa para sa Public Utility vehicle Modernization Program.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jaime Aguilar, Secretary General ng National Confederation of Transport Workers, kinakailangan ng sapat na programa para sa ayuda ng mga transport workers upang maenganyo sila sa consolidation.
Aniya, inaasahan nilang mauuwi lamang sa krisis kung magkakaroon ng phase out sa mga lugar na may pangangailangan ng transportasyon.
At hindi rin kakayanin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung agad din nilang ipapatupad ang phase out dahil malaking bahagi pa rin ang natitirang unconsolidated.
Sa tingin ni Aguilar na maglalabas muli ang LTFRB ng memorandum circular ng panibagong extension at matitigil ang paghuhuli sa mga hindi pa nakikiisa.
Bukod diyan, hindi naman mapipigil ang ginagawang proseso ng LTFRB ng bidding sa mga lugar na hindi nagtayo ng kooperatiba.
Sinabi din niya karapatan din ng mga ibang transport workers na magkaroon ng transport strike kahit pa man tutol ang mga ito sa programa.
Gayunpaman, naniniwala si Aguilar na may hahabol pa rin sa consolidation dahil may mga ilan na gumagawa na rin paraan para makiisa.
Nararapat lang din na mararanasan ng ating bansa ang magandang transportasyon tulad ng mga ibang bansa.
Samantala, kinakailangan aniya ng budget para masuportahan ang mga programa ng transport sector upang mawala na ang takot sa modernization.
Naniniwala si Aguilar na kaya naman ng gobyerno na maibigay ito kung nagawa nilang makapagbigay ng confidentail at intelligence fund.