DAGUPAN CITY- Nanatili sa posisyon sina Mayor Leo F. De Vera at Vice Mayor Robert De Vera sa bayan ng San Jacinto, Pangasinan matapos tumakbo sa halalan nang walang naging katunggali sa pwesto.
Sa kanilang muling panunungkulan, muling pinagtitibay ang mga pangunahing serbisyo gaya ng kalusugan, inprastraktura, at emergency response para sa mas ligtas at maunlad na komunidad.
Samantala, matatandaang sa ilalim ng pamumuno ng De Vera administration, naitaas sa first class municipality ang bayan ng San Jacinto.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng mabilis na pag-unlad ng bayan ay ang biglaang pagdami ng mga establisyimento, negosyo, at iba’t ibang komersyo na siyang nagbibigay ng mas malaking kita sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Municipal Administrator Rosalie Ellasus, ang tiwala at suporta ng mga mamamayan ay maituturing na mahalagang salik kung bakit walang tumakbong kalaban sa mayor at vice mayor.
Sa ngalan ng mga opisyal, nagpaabot ng pasasalamat si Ellasus sa mainit na pagtanggap ng mga taga-San Jacinto at nangakong mas lalo pang paiigtingin ang serbisyo publiko para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng bayan.