DAGUPAN CITY- ‎Sumailalim sa mandatory drug testing ang mga tauhan ng Dagupan City Police Office bilang bahagi ng direktiba ng Philippine National Police na tiyaking malinis at disiplinado ang hanay ng kapulisan.

Ayon kay PLTCOL Roderick Gonzales ng PNP DCPO, nasa 95 porsyento na ng kabuuang bilang ng mga personnel sa Dagupan ang nakumpleto na ang drug test.

Inaasahang lalabas ang resulta sa loob ng tatlo hanggang limang araw matapos ang isinagawang aktibidad.

Isinagawa ito sa pakikipagtulungan ng Forensic Group Pangasinan upang matiyak ang maayos at tamang proseso.

Nagsimula ang drug testing alas-8 ng umaga at tumagal hanggang alas-5 ng hapon.

Tiniyak ng DCPO na walang sinumang personnel ang makalulusot sa naturang hakbang.

--Ads--

Bahagi umano ito ng patuloy na pagsisikap ng kanilang tanggapan na palakasin ang transparency at integridad sa loob ng organisasyon.

Dagdag pa ng pamunuan, mahalagang mapanatiling malinis ang hanay ng kapulisan lalo na’t kabilang sa kanilang pangunahing mandato ang pagsugpo sa ilegal na droga sa buong lungsod ng Dagupan.

‎Sa pamamagitan nito, umaasa ang DCPO na mas mapagtitibay ang tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo at masisiguro na ang mga nagpapatupad ng batas ay sumusunod din sa mga itinakdang alituntunin.