DAGUPAN CITY- ‎Naglabas ng paalala ang Dagupan City Police Office o DCPO sa publiko kaugnay ng pakikipagkita sa mga nakikilala online, lalo na ngayong papalapit ang Araw ng mga Puso.

Ayon kay PLt.Col. Roderick Gonzales Chief, City Community Affairs and Development Unit-DCPO, sa mga panahong may okasyon gaya ng Valentine’s Day, mas maraming indibidwal ang nakikipag-ugnayan at nakikipagkita sa unang pagkakataon sa mga nakilala sa social media at iba pang online platforms.

Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na maging maingat at mapanuri upang maiwasan ang posibleng insidente ng pananamantala o panloloko.

‎Iminumungkahi ng pulisya na isagawa ang unang pagkikita sa mga pampublikong lugar at iwasan ang mga pribado o hindi mataong lokasyon.

Mahalaga rin umanong ipaalam sa pamilya o kaibigan ang detalye ng meet-up, kabilang ang lugar at oras ng pagkikita, bilang dagdag na pag-iingat.

Pinayuhan din ang publiko na huwag agad magbahagi ng sensitibong personal na impormasyon tulad ng tirahan, detalye sa trabaho, at impormasyong pinansyal sa mga taong hindi pa lubos na kilala.

--Ads--

Sa oras na makaramdam ng banta o kahina-hinalang sitwasyon, agad na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Samantala, sinabi ng DCPO na patuloy ang kanilang pagpapatrolya at pagbabantay sa iba’t ibang lugar sa lungsod bilang bahagi ng kanilang seguridad at pagpapanatili ng kaayusan, lalo na sa mga araw na inaasahang dadagsa ang mga tao sa mga pampublikong lugar.