DAGUPAN CITY- Matagumpay na naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang isang street-level individual sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Barangay Calmay, Dagupan City, kahapon.

Pinangunahan ng City Drug Enforcement Unit katuwang ang Police Station 5 ang operasyon na nagresulta sa pagkakumpiska ng tinatayang anim na gramo ng hinihinalang shabu.

Ayon kay PLtCol. Roderick Gonzales, hepe ng Committee Affairs and Development Unit at tagapagsalita ng DCPO, ang suspek ay matagal nang nakalista bilang street-level drug personality.

--Ads--

Matapos ang transaksyon sa mga operatiba, agad itong naaresto at narekober ang mga sachet ng hinihinalang shabu na may standard drug price na humigit-kumulang ₱40,800.

Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso sa ilalim ng Section 5, Article II ng Republic Act 9165 laban sa suspek.

Binigyang-diin din ni PLtCol. Gonzales ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapatupad ng kampanya kontra ipinagbabawal na droga.

Nanawagan siya sa mga barangay na ipagpatuloy ang suporta sa mga programa ng DCPO upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng bawat pamayanan.

Tiniyak naman ng DCPO na magpapatuloy ang kanilang mas pinaigting na operasyon upang masawata ang pagkalat ng ilegal na droga at mapanatili ang katahimikan sa Dagupan City.