DAGUPAN CITY- Ipinanawagan na ng mga magsasaka ng Guimba, Nueva Ecija ang pagpapabuti sa kanilang kalagayan nang makaharap nila ang Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), at ang Magsasaka Partylist noong miyerkules, April 8.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rodel Cabuyaban, magsasaka sa nasabing bayan, kabilang sa kanilang idinulog ay ang pagpapahirap na idinulot ng naging pagbagsak sa presyo ng kanilang palay.

Aniya, iminungkahi nila na magkaroon ito ng maximum suggested buying price upang makabawi mula sa pangungutang para lamang makapag-tanim ng palay. Hindi rin kase nakatulong sa kanilang kalagayan ang kamakailan na ipinataw na maximum suggested retail price sa bigas.

--Ads--

Maliban pa riyan, nananatiling malaki ang pagitan sa presyo ng bigas at palay kung saan ang kasalukuyang halaga ng bigas ay nasa P40-P60 kada kilo habang ang palay ay lumagapak sa napakababang P12 kada kilo.

Kaya naging mahalaga at matagumpay umano ang kanilang pakikipagdayalogo sa mga kawani ng gobyerno dahil nagkaroon na ng pagtaas sa presyo ang kanilang palay sa pamamagitan ng pagbenta ng NFA kung saan umangat ito ng P17.50 kada kilo.

Kanilang hinihiling pa na ipagpatuloy ang pagpapalakas nito upang tuluyan nang makabawi sa kanilang paghihirap dahil ang nasabing pagtaas ay nasa 5% pa lamang.

Gayunpaman, wala pa rin aniyang katiyakan na mabibili ang kanilang palay dahil may ‘requirements’ na sinusunod ang NFA sa pagpili.

Kaya kanilang panawagan ang pagpapalakas sa NFA, kung hindi man magawang buwagin o amyendahan ang Rice Tarrification Law.

Ito ay upang maibalik ang dating kapangyarihan ng ahensya na makabili ng palay at muling makapagbenta ng bigas na nasa P25 kada kilo.