Nagpapatuloy ngayong Lunes ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kung saan isinalang ng House prosecution panel ang panibagong testigo upang sagutin ang mga katanungan kaugnay sa mga umano’y indibidwal na pinaglaanan ng confidential funds.

Ipinatawag ng prosekusyon sa witness stand si Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant National Statistician Marizza Grande.

Inilalahad ng prosekusyon na isinasama ang mga opisyal ng PSA sa mga testigo para sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds dahil sila ang nagsagawa ng pag-aaral na nagpapakita na ang mga pangalang nakasaad sa acknowledgment receipts katulad ni Mary Grace Piattos ay hindi ipinanganak, hindi nagpakasal, at hindi namatay sa Pilipinas dahil wala silang opisyal na rekord sa PSA.

--Ads--

Ipinapaliwanag pa nilang sa pamamagitan nito ay maipapakita nilang fake at fictitious ang mga nasabing indibidwal, na nagpapatunay na may naganap na manipulasyon at maling paggamit sa pondo ng bayan.

Iikot ang testimonya ni Grande sa Article 1 ng impeachment case na nag-aakusa sa Bise Presidente ng paglabag sa batas dahil sa sistematikong maling paggamit at hindi maayos na liquidation ng confidential funds na nagkakahalaga ng P500 milyon sa Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyon sa Department of Education (DepEd).

At kaugnay nito, inaatasan din ng Senate impeachment court sina Commission on Audit (COA) employee Bresilio Sabaldan, DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda, at Police Major Jovelyn Magay na tumestigo sa impeachment trial mula Setyembre 7 hanggang 9.