Muling niyanig ng malakas na magnitude 6.9 na lindol ang Manay, Davao Oriental kaninang alas-7:12 ng gabi ngayong Biyernes, Oktubre 10, ilang oras lamang matapos tumama ang magnitude 7.4 na lindol kaninang umaga.
Ang panibagong pagyanig sa Davao Oriental ay kasing lakas ng tumamang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu noong Setyembre 30.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang pinakabagong lindol ay naitala sa 36 kilometers ng timog-silangan ng Manay, Davao Oriental.
May lalim itong 10 kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Naramdaman ang Intensity IV sa Davao City at Bislig City sa Surigao del Norte.
Parehong intensity din ang naramdaman sa iba pang lugar gaya ng Magpet, Cotabato; Digos City, Davao del Sur; Sta. Maria, Davao Occidental; Nabunturan, Davao de Oro; Gingoog City, Misamis Oriental; Malungon, Alabel, Sarangani; Tupi, South Cotabato; at Hinunangan, Southern Leyte.
Kaugnay nito, nag-isyu ang Phivolcs ng tsunami alert kasunod ng aftershock.
Inaasahang ang unang bugso ng tsunami sa pagitan ng alas-7:12 ng gabi hanggang alas-9:12 ng gabi at maaaring magpatuloy pa ang malalaking alon sa loob ng ilang oras.
Kaugnay nito, inaabisuhan ang mga residente malapit sa mga baybayin sa nabanggit na mga probinsiya na agad lumikas sa mas mataas na lugar o sa mas ligtas na lugar.
Nagbabala rin ang Phivolcs sa mga pinsala at aftershocks kasunod ng panibagong lindol.