DAGUPAN CITY – Halos lahat ng 15 Estado ay napanalunan ni dating President Donald Trump ng Republican nomination sa nagaganap na primary election na tinaguriang Super Tuesday sa mga ilang estado sa Amerika.

Ang Super Tuesday sa Estados Unidos ay primary election day ng mga kandidato para sa Republicans at Democrats nominations sa darating na 2024 November Election.

Ayon kay Rufino Pinoy Legarda Gonzales, Bombo International News Correspondent sa Amerika, nangunguna na ngayon si dating US president Donald Trump sa halos lahat ng 15 na states na bumubuto ng mga delegado na tinalo nito si dating South Carolina Governor Nikki Haley.

--Ads--

Habang ang katunggali naman nito na si incumbent Democrat US President Joe Biden ay sigurado na sa nominasyon ng partido.

Paliwanag ni Gonzales, isa sa pinakaimportante ang Super Tuesday dahil may bandwagon effect ito na kapag nanalo ang kandidato sa nomination ay susundan o gagayahin din ito ng ibang mga estado.

Hindi pa dito natatapos ang nomination dahil mayroon pang 34 states na bubuto sa mga susunod na araw.

Samantala, panalo lamang si Haley kay Trump sa Vermont State ngayon sa Super Tuesday kung saan una na rin siyang nanalo sa estado ng Washington DC.