DAGUPAN, CITY—- Ikinatuwa umano ni dating gobernador at dating 5th District Representative Amado Espino Jr., sa pagkakahuli sa isa na namang sangkot sa pananambang sa kaniya dalawang taon na ang nakakaraan.

Ito ang nabatid mula kay P/Maj. Arturo Melchor Jr., Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, matapos na mahuli ang tinaguriang Top 1 Most Wanted Person sa lalawigan ng Pangasinan na si Paraun Tamondong, alias “Pong Tamondong”, 46-anyos, na isa rin sa 13 natukoy na suspek sa likod ng pang-a-ambush sa kaniya.

Kasunod nito ay tiniyak ni Melchor na patuloy ang ginagawa ng mga otoridad upang mahuli ang anim na iba pang kasamahan nito.

Matatandaang nauna nang nahuli ng Pangasinan PPO at San Juan Police Station ang tatlo (3) sa mga suspect sa pag ambush kay Espino sa San Juan, Batangas kung saan matagal na umanong kuta ng mga suspek ang lugar kung saan sila nahuli.

--Ads--

Maliban naman sa pagiging mga suspek sa pananambang kay Espino, kabilang din ang mga ito sa mga high value individuals at regional top criminals.

Dagdag pa ni Melchor, ang mga nahuling mga indibidwal ay miyembro rin umano ng Raul Sison Criminal Group.

Una rito, pormal nang nasampahan ng kasong two counts of murder, at four counts of attempted murder sina Albert Palisoc, Armando Frias, Benjie Resultan, Joey Ferrer, Ronnie De Los Santos, Gerry Pascua, Sherwin Diaz, Teofilo Ferrer, Jewel Castro, John Paul Regalado, Alfred Pascaran at isang Ruseller a.k.a. Sel.

Kung maalala himalang nakaligtas si Espino at nagtamo lamang ng tama ng bala ng baril sa tagiliran mula sa ambush noong September 11, 2019. Habang dead on the spot ang isa nitong police escort, at binawian rin ang drayber niya sa hospital.