Naghain ng kahilingan ang mga espesyal na piskal sa South Korea nitong Linggo upang arestohin si dating Pangulong Yoon Suk Yeol kaugnay ng mga kasong rebelyon, pang-aabuso sa kapangyarihan, at obstruction of justice.
Ang kaso ay may kaugnayan sa deklarasyon ng martial law ni Yoon noong nakaraang taon, na ipinawalang-bisa lamang makalipas ang anim na oras matapos bumoto ang mga mambabatas laban dito.
Ayon sa ulat, ilang miyembro ng lehislatura ay kinailangang umakyat sa pader ng gusali ng Asemblea upang makapasok dahil sa harang ng mga security forces.
Sabado nang isinailalim sa mahabang oras ng imbestigasyon si Yoon ng special counsel bilang bahagi ng patuloy na pagsisiyasat ukol sa mga kasong rebelyon.
Gayunpaman, iginiit ng kampo ni Yoon na wala pang inilalabas na matibay na ebidensya ang mga piskal kaugnay ng mga paratang.
Ayon sa kanilang pahayag, naghahanda na sila upang ipaliwanag sa korte na hindi makatwiran ang kahilingang maglabas ng arrest warrant para sa dating pangulo.