Hinatulan ng US court 45 na taong pagkakabilango ang dating Pangulo ng Honduras na si Juan Orlando Hernández dahil sa mga kasong kinasasangkutan nito na may kinalaman sa droga.
Napatunayan na guilty si Hernández sa isang pakikipagsabwatan noong Marso kaugnay sa pagpupuslit ng cocaine sa Estados Unidos, at gayon na rin ang pagmamay-ari ng “destructive devices” kabilang na ang machine guns.
Ayon sa prosekusyon ng New York, lumalabas na pinamunuan nito ang Central American country na pawang “narco-state” at tumanggap ito ng milyun-milyong dolyar bilang suhol mula sa mga drug trafficker upang itago at pagtakpan sila sa batas.
Maliban sa pagkakakulong ay pinagbabayad din ito ng $8-million o katumbas ng nasa P471.536-billion.
Iginiit naman ni Hernández na siya ay inosente noong pagdinig nito. Aniya na napagbintangan lamang ito at inakusahan ng wala sa katarungan.
Tinawag naman ito ng hukom na “two-faced politician hungry for power”.
Ang 55-anyos ay nakakulong sa Brooklyn jail mula pa ng kanyang extradition sa Estados Unidos.
Noong nakaraang buwan, ang Manhattan judge na nangangasiwa sa kanyang kaso ay ibinasura ang kanyang mosyon para sa retrial matapos na igiit ang kanyang mga abogado na ang una nitong pagdinig ay nadungisan ng maling testimonya mula sa isang law enforcement agent na nagsabing ang cocaine trafficking ay lumaganap sa Honduras noong panahon ng kanyang administrasyon.
Hinatulan naman ito ni US District Judge Kevin Castel bilang “immaterial” sa kaso nitong pakikipagsabwatan sa mga drug traffickers.
Si Hernández ay nanungkulan bilang Pangulo ng Honduras mula 2014 hanggang 2022 matapos nitong magsilbi sa loob ng dalawang magkasunod na termino.
Una itong tumakbo sa pagka-Presidente bilang law-and-order candidate na nangakong tutugunan ang problema ng bansa sa mga krimeng kinasasangkutan ng ilegal na droga.
Subalit inakusahan ito ng mga prosecutor na nakikipagtulungan sa ilan sa mga pinakamalalaking narcotics traffickers sa mundo upang bumuo ng kurakot at marahas na imperyo na nakabatay sa illegal trafficking ng tone-toneladang cocaine sa Estados Unidos.