Dagupan City – Ibinahagi ng dating NPA Rebel ang hirap na naging karanasan sa panahon ng kaniyang pananatili bilang miyembro nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa dating New People’s Army (NPA) Rebel na si alias “Nicole”, umabot sa punto umano na hirap na silang humanap ng kanilang makakain at matutulugan. Ito’y matapos na pinipili nilang manatili sa bundok upang malayo sa mga tao.
Base sa salaysay nito, nag-umpisa ang lahat nang umingay ang usapin sa pagpapalipat sa puntod ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa libingan ng mga bayani.
Kung saan, dahil na rin siya ay bata pa, pinili umano niyang umanib at sumama sa isang grupo na lumapit sa kaniya upang ipaliwanag at pangaralan siya sa kaniyang karapatan bilang isang indibidwal.
Sa panahong ito, nakatanggap pa aniya siya noong una ng ilang benepisyo, ngunit kalaunan nang siya ay mag-18 anyos na, dito na siya isinama sa kanilang “komunidad”.
Ngunit dahil sa hirap na kaniyang naranasan sa loob ng ilang taon, minabuti na lamang din nitong tumiwalag at manumbalik sa pamahalaan nang nagdalaang tao na ito.
Binigyang diin naman ni “Nicole” na hindi mahirap manumbalik sa pamahalaan gayong agad naman siyang tinulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa tulong pinansyal at muling makapag-umpisa ng buhay.