Umamin ng pagkakasala sa maling paghawak ng mga kumpidensyal na impormasyon ang dating national security adviser ni US presidenr Donald Trump na si John Bolton.

Si Bolton, na ngayon ay isa nang hayagang kritiko ng pangulo ng Estados Unidos, ay nahaharap noon sa 18 sakdal kaugnay ng hindi wastong paghawak ng mga kumpidensyal na dokumento at una niyang itinanggi ang lahat ng akusasyon.

Noong Biyernes, umamin siya sa isang kasong ilegal na pag-iingat ng kumpidensyal na impormasyon.

--Ads--

Kabilang sa mga dokumentong itinago niya ang mga tala sa kanyang diary na naglalaman ng impormasyon tungkol sa pambansang depensa, na ang ilan ay may pinakamataas na antas ng seguridad o “top secret.”

Ayon sa mga piskal, maaari siyang makulong nang hanggang limang taon at pumayag na magbayad ng multang $2.25 milyon (£1.7 milyon).

Iniulat din na sasailalim si Bolton sa debriefing ng mga opisyal ng national security hinggil sa mga kumpidensyal na impormasyong ilegal niyang itinago.

Inatasan din siyang magsagawa ng 100 oras na community service.

Sa pagdinig sa korte noong Biyernes, binasa ng hukom ang mga paratang laban kay Bolton, kabilang ang umano’y pagpapadala niya ng mga tala sa diary na naglalaman ng sensitibong impormasyon sa ilang miyembro ng kanyang pamilya.

Inamin ni Bolton na tama ang mga akusasyon.

Nang tanungin kung ginawa niya ang mga ikinakaharap na paglabag, sumagot siya ng, “Opo, Your Honor.” Idinagdag pa niyang, “Ikinalulungkot ko ang aking ginawa.”

Nakatakda siyang hatulan sa Oktubre 28, ayon sa mga ulat ng media sa Estados Unidos.

Matapos ang pagdinig, sinabi ni US Attorney Kelly Hayes sa mga mamamahayag na batid ni Bolton ang tamang paraan ng paghawak ng mga kumpidensyal na impormasyon at kung sinu-sino lamang ang maaaring pagbahaginan nito.

Sinibak si Bolton sa unang administrasyon ni Trump noong 2019. Sa kanyang memoir na The Room Where It Happened na inilathala noong 2020, isinalaysay niya ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho sa ilalim ni Trump at inilarawan ang dating pangulo bilang kulang sa kaalaman tungkol sa geopolitics.

Naghain noon ng kaso ang White House upang pigilan ang paglalathala ng aklat, dahil umano’y naglalaman ito ng kumpidensyal na impormasyon at hindi dumaan sa wastong pagsusuri. Gayunman, ibinasura ng hukom ang kahilingan at nailathala ang aklat makalipas lamang ang ilang araw.

Pagkatapos nito, nagsagawa ng imbestigasyon ang US Department of Justice upang alamin kung nagkamali si Bolton sa pagbubunyag ng kumpidensyal na impormasyon sa kanyang aklat.

Inakusahan din siyang nagpadala ng ilan sa mga kumpidensyal na dokumentong nakuha niya bilang national security adviser sa dalawa niyang kamag-anak.

Nagpatuloy si Bolton sa kanyang matinding pagpuna kay Trump matapos ang kanilang paghihiwalay sa administrasyon. Bilang tugon, sinabi ni Trump na nararapat makulong si Bolton at tinawag pa itong isang “sleazebag.”

Ayon sa sakdal, minsang nakapasok ang isang hacker sa account ni Bolton kung saan nakaimbak ang mga dokumento at nagpadala ng mensaheng nagbabantang lilikha ng pinakamalaking iskandalo mula nang ma-leak ang mga email ni Hillary Clinton.