“Planted lahat ng nangyari!” Ito ang tahasang sinabi ni Manilyn Mendoza, ang live in partner ni Jaime Aquino, dating provincial correspondent ng Pangasinan sa Manila Times.
Si Aquino na inalis bilang kasapi ng National Press Club of the Philippines ay inaresto ng mga kasapi ng National Bureau of Investigation o NBI Manila mula sa kanyang bahay kahapon.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mendoza, sinabi nito na sinundan ang kanyang asawa sa isang gasolinahan sa lungsod ng Urdaneta at doon siya inaresto at nakaposas na siyang umuwi.
Pagdating ng mga tauhan ng NBI sa kanilang bahay ay ipinaalam umano sa kanila na isearch o hahalughugin ang buong bahay na sinang-ayunan naman ng kinakasama ni Aquino. Pero hiniling niya sa mga ito na payagan silang makasama at kanilang mga barangay officials ngunit nauna na umano ang mga ito.
Noong una ay nag negatibo lahat ng lugar.
Napansin din ni Mendoza na nang wala paring makitang ibidensya ay kaduda duda ang galaw ng mga tauhan ng NBI dahil nagbubulong bulongan sila.
Hanggang sa pagpunta nila sa kusina ay doon na umano nakakuha ng ibidensya ang NBI na dalawang granada na ayon kay Mendoza ay napaka-imposible na magtago sila ng granada sa nabanggit na lugar.
Nakuha rin sa bahay nila ang isang kalibre.45 na baril na pag mamay-ari umano ng guwardiya.
Matatandaan na inalis si Aquino bilang kasapi ng National Press Club of the Philippines (NPC), pinakamalaking organisasyon ng mga aktibong membro ng press.
Inakusahan si Aquino at kanyang grupo sa Pangasinan na gumawa ng mga gawa gawang mga kasong rape na nagreulta sa pagkakakulong ng siyam na buwan sa Pangasinan ng isang Arkie Manuel Yulde.
Si Aquino rin at kanyang grupo na binubuo ng kanyang live in partner, at ilang mga tiwaling membro ng Pangasinan press, ang nasa likod din ng mga gawa gawang kaso laban kay Cagayan Export Zone Authority (CEZA) administrator at Northern Luzon presidential adviser, Secretary Raul Lambino at asawang si Mangaldan mayor Marilyn Lambino.