Dagupan City – Ibinahagi ni dating Mayor Nato Abrenica ng bayan ng Villasis ang pinagmulan at layunin ng pagkakatatag ng lokal na “bagsakan” ng talong, bilang bahagi ng pagsisikap noon ng pamahalaang bayan na palakasin ang lokal na kalakalan ng mga produktong agrikultural.

Ayon sa kanya, kilala ang Villasis bilang isa sa mga lugar na pangunahing pinanggagalingan ng talong.

Gayunman, napansin niya noong kanyang unang termino na dinadala pa ng mga magsasaka at tricycle drivers ang ani patungo sa karatig-bayan para ibenta.

--Ads--

Ito ang nagdulot ng kalituhan at naging hamon sa lokal na pamahalaan, kung bakit kinakailangang lumayo pa ang mga produkto gayong sa mismong bayan nagmumula ang ani.

Dahil dito, nabuo ang ideya na magtatag ng sariling bagsakan sa Villasis upang dito na lamang dalhin at ipagbili ang mga produkto. Layunin ng proyekto na maging sentro ng bentahan ang bayan at hindi na kailangan pang ilabas ang ani sa ibang lugar.

Isinagawa ang pagpapatayo ng pasilidad sa isang lupang itinayo at inihanda para sa naturang layunin.

Gayunpaman, inamin ng dating alkalde na hindi ganap na natupad ang inaasahang resulta ng proyekto.

Sa kabila ng pagkakaroon ng lokal na bagsakan, nanatili pa ring mas pinipili ng ilang magsasaka at mangangalakal na dalhin ang kanilang produkto sa karatig-bayan, na matagal nang kinikilalang sentro ng kalakalan sa rehiyon.

Sa kabila nito, iginiit na nananatiling kapaki-pakinabang ang bagsakan sa Villasis hanggang sa kasalukuyan.

Patunay umano ito na may silbi pa rin ang pasilidad bilang alternatibong pamilihan at suporta sa lokal na sektor ng agrikultura.