Dagupan City – Ipinaliwanag ng BITSTOP Incorporated ang Data privacy crisis na kinakaharap ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Wilson Chua, Managing Director at co-Founder ng BITSTOP Incorporated, sinabi nito na hindi na nakapag-tataka ang ulat na inihayag ng isang grupo ng mga Digital Advocates na dumaranas ng data privacy crisis ang Pilipinas.
Dahil aniya, marami na ngayon ang hacker sa bansa partikular na kapag may Political crisis gaya na lamang ng cyberattack na nararanasan ng ilang ahensya ng pamahalaan na nagkakakompromiso ng kanilang mga data at sistema.
Ayon kay Chua, bukod pa sa bansang Pilipinas, may mga napaulat na ring laganap ang hacking gaya na lamang sa Singapore at iba pa.
Inihalimbawa naman nito ang naitala kamakailan sa lalawigan ng Pangasinan kung saan ay na-hack ang Facebook page ng dalawang unibersidad at nagawa pang mag-post ng mga ito ng pornograpiya.
Binigyang diin ni Chua, na upang maiwasan ang naturang insidente ay kinakailangan na iisa lamang ang gawing administrator at ang mga iba ay gawing editor na lamang. Sa kaso kasi ng dalawang unibersidad, ay higit pa sa isa ang kanilang ginawang administrator.
Kaugnay nito sa mga social media accounts naman, kinakailangang i-activate aniya ang; two factor authentication, recovery code, verification code, at mag-ingat sa pag-click ng mga advertisements.