Mayroon nang tinitingnang isang person of interest ang mga otoridad na nasa likod ng pamamaslang sa isang high school teacher sa bayan ng Dasol.

Una rito, papasok na sana ang 48 anyos na biktimang si Ruby Marcha Domalanta sakay ng kaniyang tricycle nang bigla na lamang siyang paputukan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Corporal Terrence Ferrer, Duty investigator ng Dasol Pnp sinabi nito mayroon na silang hawak na ‘person of interest’ ngunit hindi pa nila maaaring ilabas ang pangalan nito.

--Ads--

Aniya, kasalukuyan pa kasi umano silang nagsasagawa ng follow up investigation at patuloy pa ring biniberipikia ang ilang mga nakalap na impormasyon.

Inamin naman ng opisyal na bagama’t may mga lumutang na ‘witness’, nahirapan umano silang makilala at tukuyin ang suspek dahil nakasuot umano ito ng ‘helmet’ ng gawin ang krimen.

Samantala, idinagdag ni Ferrer na posibleng personal na alitan sa pagitan ng suspek at biktima ang motibo ng pamamaslang.

Matatandaan na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang ulo at katawan ang biktimang guro na siyang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan. Anim na basyo naman ng bala mula sa kali-bre 45 na baril ang narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen.