DAGUPAN CITY- Aktibong ipinagdiwang ng Dagupan Autism Society Inc. (DASI) ang National Autism Consciousness Month bilang bahagi ng kanilang patuloy na adbokasiya para sa inclusion, awareness, at pagtanggap sa mga batang may autism sa lipunan.

Layunin ng selebrasyon na ipaalam sa publiko na ang mga batang nasa autism spectrum ay mahalagang bahagi ng komunidad at may kakayahang makibahagi at mag-ambag sa iba’t ibang larangan, kabilang ang sining at edukasyon.

Ayon kay Ma’am Elaine Estrada, DASI President, bilang bahagi ng pagdiriwang, binuksan ng DASI ang aktibidad hindi lamang para sa autism community kundi pati na rin sa mas malawak na publiko at art community upang mas makilala ang mga batang may autism at mas mapalalim ang pag-unawa sa kanilang kakayahan, katangian, at pangangailangan.

--Ads--

Isinulong din ng organisasyon ang konsepto ng inklusibong pakikilahok kung saan hinihikayat ang lahat na maging kabahagi ng adbokasiya.

Mahaba at masusing paghahanda ang isinagawa ng DASI para sa nasabing aktibidad.

Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang paaralang may special education programs at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan sa Dagupan City at iba’t ibang bayan sa Pangasinan upang sama-samang ipagdiwang ang National Autism Consciousness Month.

Anim na partner schools ang naging katuwang ng DASI sa aktibidad, kabilang ang West Central School ng Calasiao, Central School of Dagupan, Malasiqui School, University of Luzon, at DMMSU of the Union.

Bukod sa pagpapakita ng mga talento ng mga batang may autism, parte rin ng aktibidad ang mga learning sessions na naglalayong ipaliwanag sa publiko kung ano ang autism, pati na ang mga kasanayan at katangiang taglay ng mga batang may ganitong kondisyon.

Inihanda rin nang maayos ang kabuuang programa upang masiguro ang organisado at makabuluhang daloy ng mga gawain.

Sa kabila ng maayos na paghahanda, kinilala rin ng DASI ang mga hamong kaakibat ng pagsasagawa ng ganitong mga aktibidad, kabilang ang patuloy na koordinasyon at mga salik na hindi inaasahan.

Gayunpaman, nananatiling nagpapasalamat ang organisasyon sa tulong at suporta ng iba’t ibang katuwang na institusyon at indibidwal.

Kabilang sa mga sumuporta sa aktibidad ang CHLC Therapy Center, Monarch Hotel, Rotary Club of Central Pangasinan, Autism Society of Pozorrubio, at iba pang indibidwal at autism advocates, partikular ang mga magulang at pamilya ng mga batang may autism.

Patuloy ring pinahahalagahan ng DASI ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapalawak ng kaalaman at kamalayan tungkol sa autism. Bukas ang organisasyon sa patuloy na koordinasyon at kolaborasyon sa mga LGU at iba pang sektor para sa mga proyektong may kaugnayan sa sensory awareness at pagtugon sa mga isyung kinahaharap ng autism community.

Ipinagdiinan ng DASI na hindi dapat natatapos sa mga espesyal na okasyon ang pagbibigay-pansin sa mga batang may autism.

Ayon sa organisasyon, mahalagang kilalanin at tanggapin sila bilang ganap na bahagi ng komunidad, dahil sa pamamagitan ng pagkilala, pakikisalamuha, at pag-unawa, mas maisusulong ang tunay na inklusyon at pagtanggap sa lipunan.