Hinikayat ni Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang pagtutulungan ng mga Pilipino upang harapin ang epekto ng El Niño, gutom at kahirapan.

Ayon kay Estrella, mas dapat ituon ang panahon at pagsisikap sa pagtugon sa mga problemang direktang nakaaapekto sa kabuhayan ng mga mamamayan, kabilang ang epekto ng matinding init sa sektor ng agrikultura.

Kasabay nito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paghikayat sa kabataan na mahalin ang agrikultura.

Kabilang sa mga paraan dito ang PelikulAgraryo, na nagsisilbing daan upang ipakilala sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagtatanim at pag-aalaga ng hayop.

Sinabi rin ni Estrella na mahalagang palakasin ang interes ng kabataan sa agrikultura upang magkaroon ng mas maraming susunod na henerasyon na magpapatuloy sa sektor at tutulong sa pagpapanatili ng suplay ng pagkain.

Samantala, binigyang-diin din ni Estrella ang pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa Pangasinan, kabilang ang pagpapalawak ng Conrado Estrella Hospital na may karagdagang pasilidad at modernong kagamitang medikal para sa mga mamamayan.