Dapat mahimay nang maigi ang detalye sa kasaysayan ng ‘Martial Law’ sa bansa upang mas maunawaan ang mga naging tunay na kaganapan.

Ito ang ipinahayag ni Dr. Froilan Calilung na isang political analyst, na hindi lamang dapat manaig ang emosyon patungkol sa naturang pangyayari bagkos ay magkaroon ng tamang pananaliksik upang marinig ang kuwento ng dalawang panig.

Aniya na sa naturang panahon ay nagkaroon ng mga ‘lawless violence’ at banta ng terorismo kung kaya’t nabigyan ng kapangyarihan mula sa konstitusyon ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang magdeklara ng Batas Militar nang maiwasan ang mas malubhang epekto nito.

--Ads--
TINIG NI DR. FROILAN CALILUNG

Pagsasaad nito na patuloy pa rin ang debatehan lalo na’t ilan ang nagsasaad na sila ay naging biktima nito habang ang ilan nama’y nakinabang sa panahong ito.

Malinaw din umano na ‘history is written by the victors’ kung kaya naman makikita na pabor sa Liberal group ang naging kasaysayan ng Martial Law lalo na’t naisulat ito matapos mamayagpag ng adminstrasyong Aquino.

Kaya naman maigi aniya na magkaroon ng sapat ng pananaliksik at tamang paghihimay sa kung ano nga ba ang mga detalye hinggil rito.

Kaugnay din nito ay sinabi ni Calilung na maigi ring makapagpahayag ang pangulong Bongbong Marcos Jr hinggil dito upang maaalis ang mga negatibong sentimyento ng ilang mga mamamayan at makamit ang pagkakaisa ng bansa.