BOMBO RADYO DAGUPAN – Patuloy pa ring hinahanap ng mga snake hunters ang dambuhalang sawa pinaniniwalaang burmese python sa barangay Bued, sa bayan ng Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay punong barangay Allan Roy Macanlalay ng barangay Bued , naalarma sila sa pagkakatagpo ng pinagbalatan ng sawa noong Martes kaya nag imbita sila ng mga eksperto sa paghahanap nito.
Ang natagpuang pinagbalatan ng sawa ay may habang 16 ft pero dahil putol ito kaya tinatayang ang sawa ay may habang 20-25 ft .
May hinukay na butas ang mga eksperto na pinaniniwalaang pinaglulungaanan ng sawa. Sa kanilang paghuhukay ay may nahuli naman silang isang 10 talampakang retilucated python habang pinaghahanap sa dambuhalang sawa na kanilang pinangalanang Bubbles.
Ayon kay Cobra Prince, isa sa mga eksperto, natagpuan nila ang nasabing python matapos silang maghukay na may lalim na 5 talampakan.
Aniya, kagabi pa sila nagsimulang hanapin si Bubbles at nagpatuloy lamang sila nitong nagliwanag na.
Inimbitahan naman ng Local Government Unit-Calasiao ang City Environment & Natural Resources Office ng lungsod upang kanilang saksihan din ang pangayayari sa lugar.
Ayon kay Philip Mathew Licop, Ecosystem Management Specialist ng nasabing ahensya, nakakaapekto sa mga ahas ang mainit na panahon kaya sila ay lumalabas sa lungga nila dahil mas sanay ang mga ito sa malalamig na temperatura.
Kaugnay naman sa burmese python, hindi aniya ito natural sa ating bansa kaya malaki ang posibilidad na mula ito sa ibang bansa at inaalagaan lamang. Maaari lamang na nakawala ito o pinakawalan ng nag mamay ari nito.
Dagdag pa niya, hindi lahat ng ganitong hayop ay may dalang pagbabanta dahil nagiging maamo naman aniya ito kapag napalaki ng maayos sa kapaligiran ng mga tao.
Payo naman nito sa publiko na iwasan ang magpanic sa oras na makakita ng ganitong klaseng hayop at agad itong idulog sa mga otoridad upang mailapit sa kanilang ahensya.