DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Sabi nila, cute ang mga isda dahil sa kanilang maliliit na anyo.

Ngunit, maituturing pa bang cute ang isang isda kung ito ay dambuhala?

Isang dambuhalang lapu-lapu kasi na tinatayang may bigat na 150 kilo ang nahuli sa baybayin ng Barangay Palanas sa bayan ng Paracale sa Camarines Norte.

--Ads--

Dahil sa sobrang laki ng isda, pitong residente ang kinailangang bumuhat dito upang maiahon at madala sa pampang.

Ayon sa mga residente, ngayon lamang sila nakakita ng ganitong kalaking lapu-lapu sa kanilang lugar.

Agad namang binili ng isang lokal na negosyante ang isda matapos itong maiahon.

Gayunman, naging pahirapan ang pagkatay sa naturang isda dahil sa kapal ng kaliskis nito, dahilan upang abutin ng matagal ang proseso bago ito tuluyang maproseso.

Patuloy na pinag-uusapan sa komunidad ang naturang huli, na itinuturing na isa sa pinakamalalaki sa kanilang lugar sa mga nagdaang taon.

Kilala ang lapu-lapu bilang high-value fish na paboritong ihain sa mga restoran, lalo na kapag steamed o inihaw. Mayaman ito sa protina at omega-3 fatty acids.

Dahil sa mataas na demand, kabilang ang lapu-lapu sa mga isdang nanganganib ma-overfish, kaya’t may mga lugar sa bansa na may closed fishing seasons para rito.