DAGUPAN CITY- Balik-normal na ang operasyon sa mga pangunahing lansangan sa bayan ng Calasiao matapos ang serye ng mga bagyo at tuloy-tuloy na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng bayan.
Pinangunahan ng Public Order and Safety Office (POSO) Calasiao, sa pamumuno ni POSO Chief Rollie Dela Cruz, ang mga hakbang upang maibalik ang maayos na daloy ng trapiko.
Sa loob ng kanyang unang buwan, naging tutok si Dela Cruz sa pagluluwag ng mga kalsada at pagtugon sa mga suliranin ng illegal parking.
Malaking hamon umano ang naranasan ng mga motorista dulot ng pagbaha, kaya’t agad isinagawa ang mga kaukulang hakbang upang maibalik sa normal ang mga ruta.
Pinasalamatan din ng POSO ang kooperasyon ng mga motorista at hinimok ang mga tricycle driver na gamitin ang mga itinalagang loading at unloading areas.
Samantala, nagbigay rin ng iba’t ibang reaksiyon ang publiko kaugnay sa operasyon ng mga traffic lights sa mga pangunahing junctions, may positibo at may negatibo.
Gayunpaman, patuloy na hinihikayat ang disiplina ng bawat isa sa pagsunod sa mga ilaw trapiko.
Bagamat balik na sa normal ang operasyon ng mga traffic lights mula 8:00 AM hanggang 8:00 PM, katuwang naman nila ang PNP Calasiao na nakaantabay upang masigurong maayos ang daloy ng sasakyan sa lahat ng bahagi ng bayan.
May nakatalagang shifting schedule ang mga enforcer mula 6:00 AM hanggang 8:00 PM upang mas mapabuti pa ang pagbabantay sa trapiko.
Nanawagan ang POSO sa publiko na panatilihin ang pakikiisa para sa patuloy na kaayusan sa kalsada.