Maaaring kuwestiyunin sa korte ang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE hanggang Nobyembre 2028, ayon sa Legal Network for Truthful Elections o LENTE.
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326 na nagpapaliban sa halalan mula sa orihinal na Nobyembre 2, 2026 schedule at nagpapahaba rin sa termino ng kasalukuyang barangay at SK officials.
Ayon kay LENTE Executive Director Atty. Ona Caritos, ikinalulungkot ng grupo ang hindi pag-veto ng Pangulo sa batas dahil dalawang taon ang ipinagpaliban sa halip na maisagawa ang halalan ngayong taon.
Para sa LENTE, mahalaga ang regular na halalan dahil dito nagkakaroon ng pagkakataon ang mga botante na pumili ng mga bagong opisyal at suriin ang kanilang pamamahala.
Iginiit din ni Caritos na hindi dapat maging dahilan ang pagsasabay ng BSKE at ng 2028 national at local elections upang muling ipagpaliban ang barangay polls.
Ayon sa kanya, nakapaghanda na ang COMELEC para sa halalan at may mga election materials na maaari pa ring gamitin, habang nakapaghanda at nakapaglabas na rin ng gastusin ang ilang kandidato para sa nakatakdang botohan.
Dahil dito, hinihikayat ng LENTE ang mga botante na huwag isipin na wala nang maaaring gawin matapos maging batas ang postponement. Maaari pa umanong ihain sa korte ang constitutional challenge laban sa batas, habang nananatiling sentro ng usapin ang pagkaantala ng pagkakataon ng mga mamamayan na pumili ng kanilang barangay at SK officials.
Para sa LENTE, kailangang timbangin kung makatwiran ang dalawang taong pagpapaliban kumpara sa mga paghahandang isinagawa na para sa halalan ngayong 2026.










