Dalawang suspek sa insidente ng panghohold-up ang naaresto ng Mangatarem Municipal Police Station sa tulong ng mga concerned citizens sa Barangay Calvo kamakailan.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang panghohold-up dakong 8:10 PM kung saan agad na rumesponde ang mga tauhan ng Mangatarem MPS matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente.
Sa mabilis na pagresponde ng TMRU personnel, natukoy at agad na nadakip ang mga salarin.
Narekober mula sa mga suspek ang pera at isang screwdriver na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Agad silang dinala sa istasyon at kasalukuyang nakadetine habang inihahanda ang kasong Robbery/Hold-up na isasampa laban sa kanila.
Pinuri ni PMAJ Arturo C. Melchor Jr., Chief of Police ng Mangatarem, ang mabilis na pagkilos ng mga pulis at ang aktibong pakikiisa ng komunidad na naging susi sa agarang pagkakaaresto ng mga suspek.
Binigyang-diin ng pamunuan ng pulisya na patuloy ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad at nananawagan sa publiko na maging mapagmatyag at makipag-ugnayan agad sa mga awtoridad.
Tiniyak ng Mangatarem Police Station na mananatili silang nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa buong bayan.










