Patuloy ngayon na pinagiingat ng kapulisan ang mga motorista sa bayan ng Burgos ito ay matapos makapagtala ng isang banggaan na nauwi sa dalawang kataong sugatan.
Paglalahad ni PLt. Christopher Nacional ang siyang Deputy Chief Of Police, Burgos PNP na nagtamo ng mga sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima matapos na magsalpukan ang kanilang sinasakyang motorisiklo sa kahabaan ng National Highway ng Brgy. Papallasen sa naturang bayan.
Kinilala ang mga biktima na sina Jovito Bonsato residente ng nabanggit na barangay at Richard Mislang 40 taong gulang na residente naman ng Brgy. Malunec sa bayan ng Mangatarem.
Paglalahad nito na binabaybay ng dalawang sasakyan ang naturang kakalsadahan na patungo sa north direction at lumiko pakaliwa ang sasakyan ni Bonsato nang makarating sa kanyang destinasyon at hindi napansin ng sumusunod na sasakyan na minamaneho naman ni Mislang na nagresulta sa kanilang banggaan.
Parehong napinsala ang dalawang sasakyan na hindi pa matukoy ang halaga ng pagkukumpuni at kapwa nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga driver at dinala sa Bobonot District Hospital sa bayan ng Dasol.
Nasa maayos naman na aniyang kalagayan ang biktimang si Bonsato habang inilipat naman sa Region 1 medical center si Mislang na patuloy pa ring minomonitor ang kalagayan.
Kaugnay nito ay pinagiingat nito ang publiko na panatilihin ang pagsusuot ng mga helmet bilang proteksyon at maging dahan dahan sa pagmamaneho upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.