Dalawang binatilyo ang nasawi matapos malunod sa Angalcan River sa Barangay Guesang, Mangaldan, Pangasinan noong araw ng Sabado.

Ayon kay Pltcol Tuayon, Batay sa impormasyong nakalap ng pulisya, nagkayayaan ang magkakaibigan na pawang mga menor de edad na maligo sa ilog.

Sa kalagitnaan ng paliligo ng grupo, malakas umano ang agos ng tubig na naging dahilan upang matangay ang tatlo sa kanila.

Isa sa mga kabataan ang nakaligtas at agad na nakahingi ng tulong, habang ang dalawa ay tuluyang nalunod.

Agad na narekober ang katawan ng isa sa mga biktima. Sinubukan pa itong bigyan ng paunang lunas ngunit idineklarang wala nang buhay nang dalhin sa ospital.

--Ads--

Samantala, ang isa pang binatilyo ay inanod ng malakas na agos at hindi agad natagpuan, dahilan upang magsagawa ng search and retrieval operation ang mga awtoridad kasama ang mga volunteer.
‎‎
Makaraan ang dalawang araw mula nang mangyari ang insidente, natagpuan kaninang umaga ang katawan ng ikalawang biktima sa bahagi ng ilog na sakop na ng bayan ng San Jacinto.

Kinilala ng pamilya ang labi at kinumpirmang ito ang binatilyong dalawang araw nang hinahanap.
‎‎
Sa ngayon, parehong pinaglalamayan ng kani-kanilang pamilya ang dalawang biktima.

Patuloy namang pinapaalalahanan ang publiko, lalo na ang mga magulang, na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at iwasan ang pagligo sa mga ilog na may malakas na agos.


Bilang bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na insidente, magtatalaga ang mga awtoridad ng mga personnel na magbabantay sa Angalcan River.

Layunin nitong masubaybayan ang kalagayan ng ilog at pigilan ang mga mapanganib na aktibidad, lalo na ngayong holiday season kung kailan inaasahang mas marami ang magtutungo sa mga anyong-tubig.