Matagumpay na naaresto ang dalawang katao sa ikinasang buy bust operation sa bayan ng Binmaley.

Ayon kay PMaj. Oliver Baniqued ang siyang Deputy Chief Of Police ng Binamaley PNP na isinagawa ang buy bust operation sa Brgy. Biec, Binmaley, Pangasinan.

Kinilala aniya ang dalawang suspek na sina Vicente Saguisig at Lilibeth Guillermo sa ganap na 11:43 ng gabi sa tulong na rin ng isang confidential asset na nagpanggap na buyer, na siya namang nagtulak sa tagumpay ng nasabing operasyon.

--Ads--

Nakumpiska din ng mga pulis ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu mula sa dalawang suspek.

Dagdag pa ni PMaj. Baniqued, matagal nang may criminal record ang dalawang suspek at minsan na nga silang nahuli sa lungsod ng Dagupan.

Batay sa impormasyong nakuha ng Binmaley PNP sa Dagupan City Police Station, naka-provision umano si Saguisig habang na-dismiss naman ang kaso ni Guillermo.

Ani PMaj. Baniqued, may mga koneksyon di umano ang nahuling dalawang suspek base na rin sa iba pang indibidwal na nahuhulian nilang gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga.

Marami rin silang nakakalap na impormasyon na nagtuturo sa dalawang suspek bilang pangunahing gumagawa at pinagkukunan ng mga ilegal na droga.

Rason naman ng dalawang suspek na kaya nila nagawang magbenta at gumamit ng ilegal na droga ay dahil sa kawalan ng trabaho.

Inamin din ng dalawang suspek na may pinagkukuhanan sila ng mga ginagamit at binebentang ilegal na droga subalit tumanggi silang pangalanan ito.

TINIG NI PMAJ. OLIVER BANIQUED

Dagdag pa nito na marami ang pinag-bebentahan ng dalawang suspek sa mga karatig na mga bayan tulad ng Malasiqui, Mangaldan, at Dagupan, lalong lalo na sa bayan ng Binmaley.

Sa kabila nito ay kakaunti na lang ang minomonitor na mga barangay ng kapulisan ng Binmaley na nahuhuliang nagbebenta at gumagamit ng ilegal na droga dahil madalas ay taga-ibang lugar pa o dumadayo lamang sa bayan ang mga naa-aresto nila.