BOMBO DAGUPAN – Sugatan ang dalawang driver ng isang motor at tricycle sa nangyaring banggaan sa Provincial Road ng Brgy. Nilombit sa bayan ng Mapandan, lalawigan ng Pangasinan.
Lulan ni Joseph Deb Brindo Solis, 26 anyos, walang asawa, at isang accountant, ang isang ADV na motorsiklo. Siya ay tubong Davao City na kasalukuyang residente ng Brgy. Poblacion, sa nasabing bayan. May suot naman itong helmet at mayroon din driver’s license.
Samantala, lulan naman ng isang driver na si Juvelyn Alcala Clores, 34 anyos, walang asawa, at walang trabaho, ang may sidecar na garong na motorsiklo na sakay ang kanyang isang 31 anyos na kapatid na si Jerbie Alcala Clores, at 5 pang mga batang may edad na 11, 10, 5, 1 taong gulang at 10 months old rin na bata. Silang lahat ay residente Brgy. Pias, sa bayan ng Mapandan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt. Jiji de Guzman Centino ang Deputy Chief of Police ng Mapandan Police Station, base sa isinagawa nilang imbestigasyon, at base sa kuha ng CCTV, habang nilalakbay ni Solis ang kakalsadahan pakanluran, sumalubong naman ang sasakyan ni Clores mula sa kabilang direksyon.
Bilang resulta, ang dalawang sasakyan ay nagbanggaan at nagtamo naman ng mga sugat ang parehong driver. Agad naman silang nirespondehan at dinala sa Mapandan Community Hospital.
Ang kanilang mga sasakyan naman ay dinala sa Mapandan Police Station para sa tamang disposisyon.
Nakapag-usap naman ang mga sangkot sa nangyaring aksidente na aayusin na lamang nila ang mga dapat asikasuhin at babayaran.
Samantala, maayos naman ang kalagayan ng mga bata at mabuti na lamang ay walang nangyari sa kanila at walang natamong mga sugat o galos.
Paalala naman ni Plt. Centino na huwag na lamang magmaneho kung walang lisensya. Wag ding isama o isakay ang mga bata mga sa hindi secured na sasakyan gaya na lamang ng sinakyan nilang sidecar na garong.