Dagupan City – Binigyang pagkilala at pagpupugay ang dalawang centenarian sa bayan ng San Jacinto sa pagdiriwang ng Elderly Filipino Week.

Kinilala sina Nanay Leonora Lucas Lalata, 102 taong gulang mula sa Barangay Labney, at si Nanay Marina Abenojar Ronquillo, 100 taong gulang mula sa Sta. Cruz bilang natatanging mga senior citizens sa bayan na nakaabot ng isaang daan at higit pa na edad sa kanilang buhay.

Pinarangalan ang mga ito ng Lokal na Pamahalaan ng San Jacinto sa pamumuno ni Mayor Leo F. De Vera, Vice Mayor Robert O. De Vera, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, Office of Senior Citizens Affairs, at ng buong samahan ng mga Senior Citizens.

--Ads--

Binigyang-diin ng mga opisyal ng bayan ang kahalagahan ng mga centenarian bilang mga halimbawa ng katatagan, sipag, at tiyaga.

Nagsisilbing inspirasyon para sa bawat isa sa komunidad ang kanilang mga kwento at karanasan gayundin ang kanilang paglalakbay sa loob ng isang daang taon ay isang kahanga-hangang biyaya na nagpapakita ng kahalagahan ng bawat araw at ng bawat pagkakataon na ipinagkakaloob ng buhay.

Samantala, ang pagkilala sa mga centenarian ay isang paraan ng pagpapahalaga sa kanilang mga kontribusyon sa lipunan at pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagbuo ng kasaysayan ng San Jacinto. (Oliver Dacumos)