DAGUPAN CITY- Patuloy lamang lumalaki ang galit ng mga lokal na magsasaka sa gobyerno dahil sa hindi epektibong pagpapatupad ng dalawang buwan na import ban.
Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, layunin man ng gobyerno na makatulong sa lokal na produksyon subalit, ikinalulugi pa rin ng mga magsasaka ang patuloy na mababang buying price ng palay.
Aniya, may naitala silang ilang lugar na umabot na lamang sa P8 ang halaga nito.
Hindi rin epektibo ang pagtatakda ng gobyern ng price ceiling kung hindi naman bumibili ang gobyerno ng palay at bigas ng mga lokal na magsasaka.
Giit niya na bilyon-bilyon ang pondo ang nalulustay sa kurapsyon subalit, hindi magawang pondohan ng gobyerno ang pagbili ng produkto ng mga magsasaka.
Dahil dito, lumiliit na ang pinagtataniman ng mga palay dahil pinipili na lamang ng mga magsasaka na magtanim ng alternatibong mabilis ang kita, tulad ng mais at tanglad.
Karagdagang paghihirap pa ang hindi pagbasura ng Republic Act no.11203 o Rice Tarrification Law at ang pag-iral ng smuggling sa bansa.
Maliban pa riyan, naghihirap din ang mga magsasaka sa palpak na flood control projects dahil nagmimistulang munting lawa ang sakahan dulot ng pagbaha katulad sa Cagayan, Masbate, Bicol, at ilang bahagi sa Central Luzon.