DAGUPAN, CITY— Nadiskubre ang dalawang bangkay ng lalaki na kapwa magsasaka sa magkahiwalay na insidente sa bayan ng Alcala at Umingan sa lalawigan ng Pangasinan.

Batay sa nakalap na impormasyon mula sa kapulisan ng Alcala, natagpuan ng nagngangalang Baldo Penuliar sa isang bakanteng lote partikular sa ilalim ng Hector Mendoza Bridge sa Barangay Laoac, Alcala ang isang nakahandusay na bangkay sa tabi ng punong mangga na kinilalang si Guillermo Mendoza Jr., 54 anyos na residente ng nabanggit na lugar.

Pinaniniwalaan naman ng ama ng natagpuang bangkay na si Guillermo Mendoza Sr. na dumanas ng hypertension ang kaniyang anak na naging sanhi ng kaniyang kamatayan.

--Ads--

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa tunay na dahilan ng kamatayan ng naturang magsasaka.

Samantala, natagpuan ding nakahandusay ang isang walang buhay na katawan ng isang lolo na magsasaka sa loob ng banyo sa kanilang bahay sa barangay Lubong sa bayan ng Umingan.

Ayon kay Police Corporal Randy Agoyaoy, Duty Investigator ng Umingan PNP, natural death ang ikinamatay ng 61 anyos na lolo na kinilalang si Alfredo Serquiña, residente ng naturang lugar dahil may history ito ng high blood.

Nauna rito, nadiskubre ang katawan ng lolo ng kaniya mismong kapatid na lalaki at agad na isinugod sa Umingan Community Hospital para malapatan ng atensyong medikal ngunit kinalaunan, idineklarang DOA ng attending physician.

Hindi na pina-autopsy pa ang katawan ng lolo dahil kumbinsido naman ang kaniyang asawa na natural death ang nangyari .

Wala namang nakitang external injury sa naturang bangkay base sa resulta ng post mortem examination.