BOMBO DAGUPAN – Dalawa hanggang tatlong bagyo ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong buwan ng Hulyo base sa forecast monitoring ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration dito sa lungsod ng Dagupan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Jose Estrada Jr. Chief Meteorologist, PAGASA DAGUPAN CITY na tatlo ang kanilang binabantayan sa PAGASA Monitoring Domain na tinatawag nilang Philippine Area of Responsibility Tropical Cyclone Advisory at Tropical Cyclone information.

Aniya na wala pa naman silang nakikita umano ngayon na nabubuo na sama ng panahon sa mga monitoring domain nila ngunit aasahan na may 2 o 3 na papasok sa bansa ngayong buwan.

--Ads--

Dagdag nito na ang Bagyong Aghon pa lamang ang unang naranasang bagyo sa Pilipinas na nabantayan nila at hindi pa nadadagdagan dahil wala pa nabubuo ngayon.

Sa kabilang banda, ang nararanasan umano ngayon na pag-uulan ay dulot ng Localized Thunderstorm dito sa Pangasinan kasama ang Northern Luzon subalit sa ibang parte ng bansa lalo na sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao ay nakakaapekto dito ang Intertropical Convergence Zone o ITCZ na nagpapaulan sa kanila.

Kaugnay nito na nasa below normal naman ang nararanasan ngayon na pag-uulan sa lalawigan na katulad din noong nakaraang buwan ng Hunyo.

Ibinahagi din nito na natapos na ang final Stage ng El Niño kaya ang tinututukan nila na ngayon ay ang Advisory ng La Niña na nasa 69 % probability ng mga ulan kung saan ang forecast nila ay nasa 10 o 13 bagyo ang papasok sa bansa ngayong taon.

Samantala, mayroon parin umanong mararanasan na maalinsangan na panahon lalo pagsapit ng alas 10 ng umaga hanggang alas 2 ng hapon na nagbabago naman dahil sa pagbuo ng ulap na nagiging kidlat at ulan.

Wala namang nakataas na gale warning sa lalawigan dahil kalmado pa ang dagat ngunit pinapayuhan parin ang mga maliliit na mangingisda na mag-ingat sa malalakas na alon tuwing sumasapit ang hapon o gabi.

Nagbigay paalala naman ito sa mga tao lalo na sa mga malalakas na mga kidlat na mag-ingat dito upang hindi matamaan.