Nahaharap sa kaso ang isang lalaki matapos ang nangyaring pananaksak sa isang dalaga na kanyang kapitbahay sa barangay San Pedro Ili sa bayan ng Alcala, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Rachel Barri, 25 anyos habang ang suspek ay nakilalang si Nolil Mortera, 25 anyos at parehong residente sa lugar.
Ayon kay Police major Bernard Paiking, Officer in charge sa Alcala PNP, katatapos lang maligo ng biktima at pagpasok sa kanyang kuwarto at nagbibihis na ay pumasok naman ang suspek na nakasuot ng shortpant pero nakahubad ang pang itaas na bahagi ng katawan at natatakpan ng t shirt ang kanyang mukha.
Hinawakan umano ang biktima at sinabihan na huwag sisigaw, pero nagpumiglas ang biktima at sumigaw kaya siya sinaksak ng dalawang beses sa bandang itaas ng dibdib at balikat.
Matapos ang pananaksak ay mablis na tumakas ang suspek. Agad namang dinala ang biktima sa ospital.
Samantala, naituro naman ng biktima ang suspek na nakilala niya sa kanyang boses at mata na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Napag alaman na ang biktima at suspek ay magkapitbahay at magkakabata.
Sa pagtatanong ng pulisya sa biktima ay nalamang wala silang relasyon at hindi niya manliligaw ang suspek.
Pinaniniwalaan na may may paghanga ang suspek sa biktima at nagseselos kaya nagawa ang pananaksak.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek.




