Maaaring maharap sa kaso ang isang 17-anyos na dalagita matapos niyang sabihing siya ay kinidnap sa pamamagitan ng isang “voice message” at humingi ng tulong sa kanyang pamilya at isang group chat sa kanilang paaralan.
Ngunit kalaunan ay nadiskubre na siya pala ay dumiretso sa bahay ng kanyang nobyo sa gitna ng bagyo.
Dahil dito, nag-alala ang kanyang mga kaklase, kaibigan, kamag-anak, mga magulang, at ang mga awtoridad. Napag-alamang naging viral ang insidente nang kumalat sa social media ang kanyang ginawa.
Ayon sa Davao City Police, pinag-iisipan nilang magsampa ng kaso laban sa dalagita dahil sa panlilinlang.
Nakita sa CCTV footage ang menor de edad na naka-uniporme ng paaralan at may dalang backpack bago siya i-report ng kanyang pamilya na nawawala dahil hindi siya umuwi.
Napag-alaman na nagpadala ng voice message ang dalagita sa isang kaibigan kung saan sinabi niyang siya ay kinidnap at nangangailangan ng tulong.
Sa imbestigasyon sa umano’y pagdukot, napansin ng mga imbestigador na hindi tugma ang mga pahayag ng dalagita.
Hanggang sa mabunyag na nakipagtalik pala siya sa kanyang nobyo sa bahay nito sa Barangay Maa, kung saan natagpuan ang kanyang uniporme at backpack.
Kinumpirma rin ng ina ng lalaki ang nangyari at hinihikayat pa raw ang dalagita na umuwi nang malaman ang sitwasyon.
Ngunit sa halip na dumiretso sa kanilang bahay, nagtungo ang dalagita sa Barangay Bato at nakipag-ugnayan sa kanyang mga magulang upang doon na lamang siya sunduin.
Makikipag-ugnayan ang kapulisan sa City Social Welfare and Development Office (CSWD) upang mapag-usapan ng dalagita at ng kanyang mga magulang ang nangyari.
Pinag-aaralan ng mga awtoridad ang posibilidad na magsampa ng kasong alarm and scandal kaugnay ng RA 10175 o Anti-Cybercrime Act dahil sa insidente.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng Davao City Police ang publiko na huwag magpakalat ng mga gawa-gawang impormasyon sa social media. // Via Bombo Radyo Legazpi