Nagpasalamat sa malaking suporta ang Dagupeño na si John Enrico Joko Vasquez, bronze medalist sa individual kata sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games sa World Trade Center sa Pasay City.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vasquez, sinabi nito na hindi pa rin natatapos ang kanyang laban dahil nakapokus pa rin siya sa laban niya sa Lunes. Pagtapos ng labang ito ay tiniyak ni Vasquez na patuloy ang kanyang ensayo dahil may mga susunod pang laban sa susunod na taon.

Dagdag pa ng atleta na hindi naman niya pinapabayaan ang kanyang pag-aaral at napagsasabay naman nito ang pag-aaral at training.

--Ads--

Samantala, saya at kaba naman ang naramdaman ni Dr. Alejandro Enrico Vasquez, ama ni Vasquez at kanyang headcoach sa Philippine Karate.

Ayon kay Vasquez, ang payo lang niya sa anak ay huwag mapressure, magdasal at magpokus lang sa kanyang laban. Iba umano ang pakiramdam ng pagiging ama at headcoach ng isang atleta.

Samantala, pagkatapos sa SEA games, target ng batang Vaquez na makapaglaro sa Olympics.

Samantala, maglalaro ngayong araw ang dalawa pang Dagupeño na sina Mark Andrew Manantan at Jayson Ramil Macaalay, na pawang determinadong makakuha ng gintong medalya sa SEA games sa larangan ng karate.