Dagupan City – Nagkaroon ng dagdag na tauhan ang Waste Management Division (WMD) ng Dagupan City para mas mapahusay pa ang kanilang operasyon kontra basura.

Ayon kay Bernard Cabison, ang Head ng nasabing opisina na ang pagdagdag ng tauhan ay kinakailangan upang mapunan ang pangangailangan sa kanilang operasyon.

Saad niya na ang kanilang mga tauhan ay naka-shift sa kanilang opisina sa lungsod, na nagsisimula ng alas-4 ng madaling araw hanggang alas-11 ng gabi habang sa Magsaysay area naman, 24 oras ang kanilang duty na may tatlong shifting.

--Ads--

Magha-hire rin sila ng dalawa pang tauhan para sa baling machine, kung saan iipunin ang makokolektang segregated waste.

Layunin nitong mapaghiwalay ang mga plastic na basura na dadalhin sa holcim.

Mula sa dating 117, ang WMD ay magkakaroon na ng 122 tauhan.

Malaking tulong umano ito dahil hindi lamang sa bayan kinokolekta ang basura, kundi maging sa mga Island Barangays dahil ang mga basurang ito ay dinadala sa Material Recovery Facility (MRF).

Dahil sarado na ang dumpsite, ginagamit na lamang ito bilang temporary transfer area dahil ang mga maliliit na truck ang kumukuha sa mga basura kalye, habang ang mga ten-wheeler truck ang nagdadala ng basura sa sanitary landfill sa Urdaneta.

Mayroon ding schedule para sa pagkolekta ng iba’t ibang uri ng basura, tulad ng plastic, recyclable, at bulky waste gaya ng sirang ref, TV, at sala set upang matiyak ang maayos na segregation.

Naniniwala si Cabison na sa pagtutulungan ng lahat ay mapapanatiling malinis ang lungsod, at binigyang diin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos upang makamit ang isang malinis at maayos na Dagupan.