Nanawagan ang Dagupan PTA Federation ng agarang aksyon mula sa lokal na pamahalaan kaugnay ng patuloy na operasyon ng mga pisonet sa lungsod, kasunod ng mga ulat ng negatibong epekto nito sa mga kabataan.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Ronald Allan Uson – Dagupan PTA Federation President na may seryosong banta umano sa kaligtasan at pag-uugali ng mga menor de edad dahil sa kawalan ng mahigpit na regulasyon sa mga pisonet establishments.
Ayon kay Uson, isa sa pangunahing isyu ang kawalan ng age restriction sa pagpasok sa mga pisonet, kung saan aniya ay “kahit 3–4 years old ay maaaring makapasok” at makagamit ng internet access nang walang limitasyon.
Dagdag pa niya, kahit oras ng klase ay nananatiling bukas ang mga naturang establisyimento, na nagiging dahilan ng pagliban ng mga estudyante sa paaralan.
Isa rin sa binigyang-diin ng PTA Federation ang umano’y walang kontrol na access sa internet content, kabilang ang mga delikadong website.
Kaugnay nito ay ibinahagi rin ng ilang mga punong guro sa lungsod na nagdudulot umano ang pisonet ng mga negatibong epekto sa mga kabataan tulad ng gaming addiction, pagbabago ng ugali, at pagkahilig sa maling gawain.
Bagama’t may positibo ring dulot ay mainam parin na magkaroon ng mas mahigpit na regulasyon upang maprotektahan ang kabataan.










