Sa nakalipas na dalawang linggo, nagsimula nang magsagawa ng confiscation ang mga kapulisan ng Dagupan laban sa mga residenteng gumagamit ng mga boga o paputok sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay PltCol Brendon Palisoc, Chief of Police Dagupan, ito ay bilang paghahanda para sa mas ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon.
Ang mga operasyon ng kapulisan ay nagkaroon ng malaking epekto, kung saan ilan sa mga nakakumpiskang paputok ay nakuha sa Bonuan, sa lungsod.
Kasabay nito, ang paglunsad ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ng programa upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat isa sa darating na selebrasyon ng Bagong Taon.
Naka-schedule na rin ang mga pagpupulong para talakayin ang mga aplikante na nais kumuha ng permit para sa pagbebenta ng mga paputok.
Samantala, siniguro naman ng mga awtoridad na tanging ang mga mayroong permit ang pinapayagang magbenta ng mga paputok sa lungsod. Kundi, nagkaroon na rin ng inspeksyon mula sa mga kapulisan at BFP (Bureau of Fire Protection) sa mga residente na nag-uumpisang magbenta ng mga paputok kahit wala pang mga kinakailangang permit.
Dagdag pa rito, mariin ding ipinagbawal ng mga awtoridad ang paggawa ng mga paputok sa lungsod. Ito ay matapos ang malawakang exposure noong nakaraang taon na nagresulta sa mga sugatang residente.
Ayon kay Palisoc, layunin ng mga awtoridad na maiwasan ang mga ganitong insidente at mapanatili ang kaligtasan ng lahat. Nanawagan siya sa mga mamamayan na mag-report sa himpilan ng kapulisan kung makakita sila ng mga nagbebenta ng mga paputok na walang kaukulang permit.