Dagupan City – Nanawagan ang pamahalaang lungsod ng Dagupan sa lahat ng negosyante, maliit man o malalaki, na agad nang sumunod sa mga kinakailangang dokumento sa City Engineering Office kaugnay ng occupancy permit at building permit bago pumasok ang taong 2026.

Ayon kay Mayor Belen Fernandez, mahalaga ang maagang pagproseso ng mga permit upang matiyak na ligtas, maayos, at sumusunod sa pamantayan ang mga gusali at establisimyentong nagpapatakbo sa lungsod.

Ito rin anila ay bahagi ng mas pinalakas na paghahanda ng lokal na pamahalaan sa patuloy na paglago ng negosyo at urban development sa Dagupan.

Tiniyak naman ng alkalde na magiging mabilis ang pag-iisyu ng mga kinakailangang permit kaya’t hindi na dapat pang mag-alala ang mga negosyante.

Dagdag pa ng alkalde, sisikapin ng lungsod na mapanatili ang malinaw at patas na proseso lalo na pagdating sa investment at development, kasabay ng pagtitiyak na walang puwang ang katiwalian sa mga transaksyon.

Nagbigay rin ng paalala ang alkalde sa mga vendor na mahigpit na sundin ang mga patakarang nakasaad sa kanilang business permit.

--Ads--

Aniya, hindi maaaring magbenta ng produktong hindi saklaw o naiiba sa mga inaprubahan sa kanilang permit.

Patuloy naman ang paalala ng lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa mga kaukulang tanggapan upang maiwasan ang abala sa lahat ng sektor.