Nagsagawa ng sorpresang drug testing ang Dagupan City Police Office (CPO) para sa lahat ng mga police personnel bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at pagpapatibay ng disiplina sa hanay ng kapulisan.

Pinangunahan ni City Director PCOL Arnold P. Solomon ang aktibidad na isinagawa sa kanilang himpilan kung saan boluntaryong sumailalim sa pagsusuri ang mga pulis.

Mahigpit namang pinangasiwaan ng Provincial Forensic Unit ang proseso ng pagkuha ng urine samples upang matiyak ang integridad at tamang pagsasagawa ng drug testing.

--Ads--

Ayon sa Dagupan CPO, bahagi ang naturang aktibidad ng Integrity Monitoring Program, isa sa mga pangunahing prayoridad sa ilalim ng PNP Focused Agenda.

Layunin nitong palakasin ang disiplina, propesyonalismo, at transparency sa lahat ng yunit ng Philippine National Police.

Saklaw ng programa ang lahat ng personnel, anuman ang kanilang tungkulin, at ang mga hindi lalahok nang walang sapat na dahilan ay maaaring maharap sa kaukulang administratibong aksyon.

Binigyang-diin ni PCOL Solomon na mahalaga ang pagiging huwaran ng bawat miyembro ng kapulisan sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko.

Dagdag pa ng Dagupan CPO, ang programa ay bahagi ng mas malawak na layunin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas”, na naglalayong maghatid ng mabilis, tapat, at dekalidad na serbisyo para sa mamamayan.