Dagupan City – Pinapaigting ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang pagbabantay laban sa mga magbebenta ng ilegal na paputok sa mga hindi otorisadong lugar sa tulong ng Regional Civil Security Unit 1 (RCSU-1), dahil wala pang firecracker zone na itinalaga ang lokal na pamahalaan (LGU) ng Dagupan para dito.

Ayon kay PLTCOL Roderick Y. Gonzales, Chief ng City Community Affairs and Development Unit-DCPO, aktibo silang umiikot para hulihin ang mga maaring magtitinda ng paputok na walang kaukulang permiso.

Ipinaliwanag ni PLTCOL Gonzales na may mga paputok na pinahihintulutang ibenta na may kaukulang permiso at pasok sa pamantayan para sa ligtas na paggamit.

--Ads--

Kaugnay nito, nagpahayag ng kasiyahan ang kapulisan sa aktibong pagsuporta ng mga residente ng Dagupan City sa kanilang mga crime prevention programs.

Malaki aniya ang naitutulong ng kanilang mga impormasyon laban sa mga gumagawa ng masama at lumalabag sa batas.

Dahil dito, matagumpay na nabuwag ng mga awtoridad ang ilang ilegal na pagawaan ng paputok sa lungsod nitong mga nakaraang linggo.

Sa kasalukuyan, dalawang barangay pa lamang ang natukoy na may ilegal na pagawaan ng paputok.

Gayunpaman, tiniyak ng kapulisan na agad silang magsasagawa ng operasyon kung mayroon pang ibang lugar na makitaan nito upang papanagutin ang mga nasa likod ng ilegal na aktibidad.