Dagupan City – Hinimok ni Atty. Michael Franks Sarmiento, Comelec Supervisor ng Dagupan City, ang mga kabataang may edad 15 hanggang 17 na magtungo sa kanilang tanggapan upang magparehistro para sa Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay Atty. Sarmiento, kasalukuyang isinasagawa ang sabayang registration activity upang hikayatin ang mas maraming kabataan na maging bahagi ng halalan.
Aniya, ito ay bahagi ng kanilang adbokasiya na bigyang-boses ang mga kabataan sa mga desisyong pampamayanan.
Sa katunayan aniya nakapagtala na sila ng humigit-kumulang 1,500 hanggang 2,000 bagong rehistradong kabataan.
Inaanyayahan din nito ang iba pa na hindi pa nakakapagparehistro na bumisita sa kanilang opisina.
Pinaalalahanan din niya ang mga nagnanais na magparehistro na magdala ng kanilang birth certificate at valid IDs gaya ng National ID, student ID, NBI clearance, passport, driver’s license, at iba pa bilang patunay ng kanilang pagkakakilanlan.