Dagupan City – Siniguro ng pamunuan ng Dagupan City Police Station 2 na patuloy silang nagiikot at nagbabantay sa mga gasolinahan sa kanilang nasasakupan alinsunod sa direktiba na ibinaba kaugnay ng kasalukuyang sitwasyon sa langis.
Ayon kay Police Captain Eric Dela Cruz, Station Commander, ang kanilang yunit ay nagsasagawa ng 24-oras na monitoring para tiyakin na sumusunod ang mga gasolinahan sa mga alituntunin ukol sa presyo at pagbebenta ng gasolina.
Sa ngayon, wala naman aniyang nagvavialote sa mataas na presyo at patuloy pa rin nilang sinasabihan ang mga ito na dapat sumunod para hindi sila magkaroon ng problema bilang pagsunod sa direktiba ng kinauukulan.
Sa limang barangay na sakop nila gaya ng Herrero-Perez, Bacayao Norte, Bacayao Sur, Mayombo, Lasip chico, at Caranglaan nasa kabuuang lima ang kanilang tinututukang gasolinahan.
Inihayag ng opisyal na may mga pagkakataong ang ilan ay nagkakaroon ng “out of stock,” habang ang iba naman ay patuloy na nakabukas para makapagbenta sa mga tao.
Idinagdag din niya na pinapanatili nila ang maayos na koordinasyon sa lahat ng mga nasasakupang negosyo ng langis.
Bukod sa pagmonitor ng presyo, binigyang-diin din ng opisyal na ipinagbabawal ang pagpapalagay ng gasolina sa mga galoon o iba pang lalagyan bukod sa tangke ng sasakyan o motor.
Hinihikayat din nito ang publiko na sundin ang mga direktiba at huwag lumabag sa batas para makatulong sa mga indibidwal at hindi manamantala sa nararanasang krisis ngayon ng petrolyo.










