DAGUPAN CITY- ‎Pinalakas ng Dagupan City Police Office ang kakayahan nito sa komunikasyon matapos makabili ng dalawampung bagong handheld radio bilang bahagi ng modernisasyon ng Philippine National Police.

Layunin ng hakbang na mapabuti ang koordinasyon at agarang pagtugon ng mga pulis sa mga operasyon at sitwasyong pang-emergency sa lungsod.

‎Pinangunahan ng Officer-in-Charge City Director ang pagbili ng mga high-specification na radio upang matugunan ang pangangailangan sa malinaw at tuloy-tuloy na komunikasyon ng mga tauhan sa field, lalo na sa mga kritikal na operasyon na nangangailangan ng mabilis na pagpapalitan ng impormasyon.

‎Isinagawa ang pormal na turnover ng mga kagamitan sa punong himpilan ng Dagupan City Police Office, kung saan personal na ibinahagi ng OIC City Director ang mga radio sa City Mobile Force Company o CMFC, ang pangunahing yunit na responsable sa internal security at rapid deployment.

‎Ayon sa pamunuan ng DCPO, inaasahang mapapalakas ng bagong kagamitan ang peace and security framework ng lungsod sa pamamagitan ng mas maayos na command and control at mas mabilis na police response, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko sa Lungsod.