Mananatili pa rin umano sa full alert status ang kapulisan ng Dagupan City PNP sa gagawing pag-implementa ng bagong guidelines sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) sa darating na Mayo 16, taong kasalukuyan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pol. Lt. Col. Abubakar Mangelen Jr., hepe ng Dagupan City PNP, mas mararamdaman na umno ang presensiya ng mga patrol officers, maging ng mga mobile patrol vehicles partikular na sa commercial establishments dahil sa inaasahang pagdami ng mga permitted establishments na magbubukas bukas.
Hinihintay rin aniya sa ngayon ang mga ilalabas pang supporting ordinances at executive orders ng alkalde ng siyudad.
Samantala, kasalukuyan pa ring ipinapasa ng City Council ang coding scheme at umaasa si Mangelen na ito ay maaaprubahan dahil na rin umano sa dami at haba ng pila ng mga sasakyan sa mga checkpoint at asahang lalo pa umano itong madadagdagan sa pagbiyaheng muli ng mga Public Utility Vehicles (PUV).
Nanawagan naman ito sa mga kababayan na patuloy na makipagtulungan sa pagsunod sa mga alituntunin sa ilalim ng GCQ at huwag isipin na bukas ay babalik na sa normal ang sitwasyon dahil nakapailalim pa rin umano tayo sa community quarantine.