Dagupan City – Ipinagdiriwang sa Dagupan City Town Plaza ang makulay na Chinese New Year celebration na nagsimula kahapon at magtatapos ngayong araw, tampok ang iba’t ibang palabas at presentasyon na dinaluhan ng maraming residente at panauhin mula sa Filipino-Chinese community.
Ayon kay City Mayor Belen Fernandez, ang pagdiriwang ay alay bilang pagbati sa Chinese at Filipino-Chinese community sa lungsod at bilang pakikiisa sa pagsalubong sa Year of the Horse, na itinuturing na taon ng enerhiya, pag-asa, suwerte at lakas.
Dinagsa rin ng mga bisita ang mga puwesto ng Chinese food sa town plaza kung saan tampok ang iba’t ibang tradisyunal na pagkain. Nagkaroon din ng pamamahagi ng libreng tikoy mula sa City Nutrition Office.
Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang pagkakaisa at positibong pananaw lalo na’t patuloy ang pagdating ng mga proyekto mula sa pambansang pamahalaan para sa Dagupan City.
Kabilang sa mga ito ang pagpapatayo ng mga gusali, school buildings, maternity hospital, super health center at iba pang proyektong pang-imprastraktura na inaasahang magbibigay ng mas maayos na serbisyo sa publiko.
Hinikayat din niya ang mga Dagupeño na panatilihin ang positibong pananaw upang lalo pang umunlad ang lungsod.
Samantala, naging makabuluhan ang pagdiriwang na nagpapakita ng makulay na kultura ng Chinese community.










