DAGUPAN CITY- Nagsimula na ang lokal na pamahalaan sa syudad ng Dagupan City sa pagpaplano ng mga makulay at masasayang aktibidad sa paghahanda para sa taunang pagdiriwang ng Bangus Festival.

Tinutukoy na ang mga pangunahing tampok ng selebrasyon, kabilang ang mga paligsahan, konsyerto, at iba pa na magpapakita ng kultura at tradisyon ng syudad.

Ayon kay City Mayor Belen T. Fernandez, kasama ang mga organizers, layunin nilang gawing mas malaki at mas makulay ang taon-taong event na ito na kumikilala sa kahalagahan ng bangus bilang pangunahing produkto ng Dagupan City.

--Ads--

Ayon sa alkalde, ang tema ng festival ay nakatuon sa preparedness o pagiging handa, na magpapakita ng kahalagahan ng pagtutulungan sa pamilya, barangay, at buong siyudad upang magtagumpay sa mga hamon ng buhay.

Sa kanyang pahayag, ang Bangus Festival 2025 aniya ay hindi lamang tungkol sa kasiyahan at pagdiriwang, kundi isang pagkakataon upang ipakita ang ating pagiging handa sa lahat ng aspeto.

Ang mga aktibidad na nakatakda para sa Bangus Festival ay magsisimula sa Abril 9, alas-5 ng umaga, kung kailan gaganapin ang “Handa Na, Takbo Na” Fun Run, isang aktibidad na bukas para sa lahat ng indibidwal at pamilya na nais magpakita ng kanilang pisikal na paghahanda at magsanay para sa kalusugan.

Mula Abril 8 hanggang 13, isang linggong Bowling Tournament ang gaganapin para sa mga kasapi ng middle at upper class na residente ng Dagupan.

Sa mga kabataan naman ng Dagupan, isang Skateboarding Exhibition ang ilulunsad sa Tondaligan Beach, kung saan ipapamalas ng mga kabataan ang kanilang galing sa skateboarding.

Makikilahok din ang simbahan sa selebrasyon ng Easter Sunday, Abril 12, alas-5 ng umaga, kung saan isang aktibidad mula sa pakikipag-ugnayan sa simbahan ang magsisilbing pagpapakita ng espiritwal na kahandaan at pagninilay ng komunidad.

Sa Abril 26, gaganapin ang Gilon Gilon Ed Baley, isang aktibidad na magbibigay-pugay kay St. John The Fisherman.

Para naman sa mga mahilig sa mobile games, isang Semi-Finals ang nakatakda sa Abril 26, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, na magsisilbing pagpapakita ng kahandaan sa teknolohiya at ang galing ng mga manlalaro.

Ang kasunod na aktibidad ay ang Bangus Rodeo sa Abril 28, kung saan magaganap ang mga paligsahan tulad ng Most Beautiful Bangus, Fastest Eater, Fastest Deboner, at Longest Bangus.

Ang Bangusan Street Party na siyang highlight ng kapistahan, sa Abril 30 ay magiging isang grand celebration kung saan magsasama-sama ang mga residente at bisita upang magdiwang ng tagumpay at pagpapakita ng kahandaan sa mga pagsubok sa buhay.

Sa pagtatapos ng festival, isang Boxing Tournament naman ang gaganapin sa Mayo 1, kung saan magsisilbing pagpapakita ng lakas at kahandaan sa pisikal na laban.

Inaanyayahan ng lokal na pamahalaan ang lahat ng mga residente ng Dagupan at mga kalapit na bayan na makiisa at makisaya sa mga aktibidad ng Bangus Festival 2025.

Ayon sa Mayor Fernandez, ito aniya ay isang pagkakataon na magkaisa at ipakita ang pagiging handa sa lahat ng aspeto ng buhay.