DAGUPAN CITY- Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang isasagawang tatlong araw na medical, surgical, at dental mission na gaganapin sa Enero 30 at 31 at Pebrero 1 sa Dagupan City People’s Astrodome.
Katuwang sa misyong ito ang Saint Francis and St. Clare Foundation ng California. Bilang bahagi ng paghahanda, nagsagawa ng pulong ngayong Enero 26 sa City Engineer’s Office upang talakayin ang mahahalagang usapin para sa maayos at ligtas na operasyon ng aktibidad.
Dumalo sa pagpupulong ang iba’t ibang opisyal ng lungsod kabilang ang City Legal Officer, Chief of Staff, mga kinatawan mula sa sektor ng kalusugan, edukasyon, engineering, disaster risk reduction, public order and safety, gayundin ang mga kinatawan ng Philippine National Police.
Tinalakay rin sa parehong pulong ang mga huling update at pangangailangan para sa nalalapit na Children’s Summit na opisyal na bubuksan bukas, Enero 27. Kasabay nito ang nakatakdang Unity Parade at ang pirmahan ng Memorandum of Agreement ng mga katuwang na ahensya at organisasyon.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mahalaga ang patuloy na koordinasyon at pagkakaisa ng lahat ng sektor upang matiyak ang matagumpay na implementasyon ng mga programang pangkalusugan at pangkaunlaran.
Layunin ng mga inisyatibang ito na mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga residente at matiyak na may pantay na oportunidad ang bawat sektor ng lipunan sa Dagupan City.










